Linggo, Abril 3, 2016

Pananaliksik: Epektibong Pag-aaral ng Wikang Tsino Kasabay ng Pag-aaral ng Wikang Ingles at Filipino

PAKSA: Paano mapapadali ang pag-aaral ng wikang Tsino kung kasabay nito ang pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino?

I. PANIMULA

A. Panukalang Pahayag (Hypothesis/Thesis Statement)

Maliit lamang na porsyento ang naitutulong ng pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino sa pag-aaral ng wikang Tsino.

B. Introduksiyon

Ayon sa ilang pag-aaral, ang wikang Tsino ay ang pinakagamit na wika higit pa sa Ingles. Ngunit mapapansin na ang wikang ito ay hindi tinaguriang ‘universal language’. Sinasabing may posibilidad ito pero dahil sa kumplikado nitong sulat at tono, marami ang nahihirapang pag-aralan ito. Ang pananaliksik na ito ay tatalakay sa iba’t ibang aspeto upang mas maintindihan at mapadali ang pag-aaral ng wikang Tsino.
Ngunit paano kung ang pag-aaral ng banyagang wikang Tsino ay sinabayan pa ng pag-aaral ng iba pang wika kabilang na rito ang wikang Ingles at Filipino? Paano naiiba ang wikang Tsino sa wikang Ingles at Filipino? At anong estratehiya ang mabisang gamitin sa pag-aaral ng wikang Tsino? Ilan ito sa mga tanong na susubukang sagutin ng pananaliksik na ito.
Isinagawa ito upang makatulong sa mga estudyanteng Pilipino sa high school na humaharap sa mga suliranin sa pag-aaral ng wikang Tsino higit na lalo ang mga estudyanteng baguhan pa lamang na mag-aaral ng wikang ito na nag-aaral din ng wikang Ingles at Filipino sa paaralan. Kabilang sa pag-aaral ng wikang Tsino ay ang pagsasalita (speaking) sa wikang Tsino, pagsusulat (writing) ng mga karakter ng bawat salita ng wikang Tsino, pakikinig (listening) ng usapan gamit ang wikang Tsino at maging sa pagkilala o pagtukoy (recognition) ng mga Chinese Character.
Ang mga mananaliksik nito ay mga estudyanteng humaharap din sa ganitong sitwasyon: ang pag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng wikang Ingles at Filipino. Isinagawa at napili ang paksang ito upang maintindihan pa nila lalo sa kanilang sarili ang wikang Tsino at makahanap rin ng paraan upang mapadali ang ginagawa nilang pag-aaral.

C. Rebyu/Pag-aaral

·         How Each Child Learns: Using Multiple Intelligence in Faith Formation ni Stankard, Bernadette T.
Ang librong ito ay tatalakay sa teorya ni Howard Garder tungkol sa ‘multiple intelligence’ at ang mga paraan ng pag-aaral na may kinalaman sa iba’t ibang parte ng utak na ating ginagamit para sa pagkatuto.  Ang ibrong ito ay magagamit bilang mabisang reference dahil isa-isang tinalakay dito ang iba’t ibang paraan ng pag-aaral na maaaring angkop sa isang estudyante.
·         Ang Teorya at Praktikang Maramihang Intelihensya ni Lakandupil C. Garcia, EdD
Ang tekstong ito ay naglalaman ng mga impormasyon ukol sa ‘multiple intelligence’ ni Howard Gardner. Makakatulong din ito upang maintindihan ang pinagkaiba ng tradisyunal na pagtingin sa intelihensya at ang modernong pagtingin.
·         A2Z Creative Teaching Method nina Lizette F. Knight at Sonia F. Silbor
Ang librong ito ay naglalaman ng mga teorya at esratehiyang ginagamit ng mga guro at maging mga estudante upang higit na maunawaan ang kakayahan ng pagkatuto ng mga estudyante. Maaaring sumangguni sa librong ito upang makakuha ng ideya para sa mga pag-aaral o pagtuturong gagawin upang mas maging kawili-wili ang pagkatutong magaganap.
·         Psychology of Learning Second Edition nina Delia A Limpingco, Geraldine E. Tria at Loreto V. Jao
Ang librong ito ay naglalaman ng mga teorya sa pagkatuto na maaaring magamit upang lalo pang maintindihan ang proseso ng pagkatuto sa iba’t ibang estudyanteng pinasagot ng sarbey. Magagamit ito upang makita ang iba’t ibang perspektibo sa pagkatuto ng mga dalubhasa.
·         Culture Shock! A Survival Guide to Customs and Etiquette : China ni Angie Eagan at Rebecca Weiner
Ang buong libro ay nagsasaad ng kultura ng Tsina at isa sa mga kabanata ng libro ay nakaukol lamang sa pag-aaral ng wikang Tsino. Magagamit ang librong ito upang lalo pang maintindihan ang kulturang humuhubog sa wikang Tsino.
·         The Chinese-Cantonese family in Manila: a study in culture and education ni Cheong, Caroline Mar Wai Jong
Pinakita sa librong ito ang karanasan ng mga Tsinong nag-aaral at naninirahan sa Pilipinas. Magagamit ang librong ito upang makita ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Tsino sa Pilipino, hindi lamang sa kultura kung hindi maging sa pag-aaral. Mayroon ding kabanata sa librong ito na tumatalakay kung paano nagsimula at nagbago ang mga paaralang Tsino sa Pilipinas sa paglipas ng panahon.
·         Chinese Education in the Philippines – a study in assimilation ni De-Gent, Shone
Gamit ang thesis na ito, matatalakay ang kasalukuyang kalagayan ng pag-aaral ng wikang Tsino sa Pilipinas, paano ito nagsimula at paano ito nakaimpluwensiya sa mga Pilipno, maging sa mga Tsino.
·         Never again: A nation of “5th graders” ni Ricardo Ma. Duran Nolasco (isang artikulo mula sa Philippine Daily Inquirer)
Tinalakay dito ang konsepto ng mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE) na magagamit upang mas maintindihan ang kahalagahan ng pagkabihasa sa sariling wika upang makapag-aral ng iba pang wika.
·         Implications of MT-Based Multilingual Education Teaching to the English Proficiency Programs ni Randolph G. Catungal (mula sa magasin na The Modern Teacher – Aug.2015)
Ang artikulong ito ay tumatalakay sa ilang alalahanin ng ilang guro ukol sa pagtuturo ng ibang wika gamit ang nakagawiang wika ng mga estudyante. Gamit ang artikulong ito, mas lalong maiintindihan hindi lamang ang proseso kung paano ipapatupad ang MTB-MLE kung hindi maging ang ilang suliraning maaaring kaharapin ng proyektong ito.
·         Modality in English, Chinese and Filipino ni Farah C. Cunanan
Ang thesis na ito ay naglalaman ng iba’t ibang impormasyon ukol sa mga modal na ginagamit sa wikang Ingles, Tsino at Filipino. Ito ay mahalaga upang malaman kung papaano isinasalin ang isang wika sa isa pa. Isa ito sa makakatulong upang maintindihan ang pagkakaiba at pagkakatulad ng tatlong wika sa isa’t isa sa isang simpleng paraan na kadalasang ginagamit ng mga mananalita ng tatlong wikang ito.

D. Layunin

Ang layunin ng pananaliksik na ito ay makatulong sa mga estudyanteng Pilipino sa high school na nahaharap sa pag-aaral ng wikang Tsino kasabay ang pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino, at upang mahikayat pa silang lalo na kayanin ang pagsubok na ito sa pag-aaral. Layunin nitong maikumpara ang wikang Ingles, Filipino at Tsino nang sa ganoon ay mas maintindihan pa natin ang mga wikang ito. Isa pang layunin ng pananaliksik na ito ay upang matuklasan ang iba’t ibang metodolohiya sa kung paano mapapadali ang pag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino. Nais ng pananaliksik na ito na makapag-ambag ng estratehiyang magiging pundasyon sa pagkatuto at pagkahasa sa wikang Tsino ng mga estudyante. Layunin din nitong malaman kung ano ang sanhi kung bakit nahihirapan ang estudyante na pag-aralan ang wikang Tsino kasabay ang Ingles at Filipino.

E. Kahalagahan

                Ang pananaliksik na ito ay makakatulong sa mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino, kabilang dito ang mga estudyanteng walang paunang kaalaman sa wikang Tsino na nagkakaroon ng interes na mag-aral, mga estudyante ng Special Foreign Language (SFL) at estudanteng may mga kursong may kinalaman sa wikang Tsino. Ang mga estratehiya o mga pamamaraan na maipapahayag dito ay inaasahang magagamit ng mga estudyante at maging ng mga guro upang maging kawili-wili ang pag-aaral at pagtuturo ng wikang Tsino. Makakatulong rin ito sa mga paaralang Tsino o mga miyembro ng academe na nagtuturo ng iba’t ibang wika upang lalo pang lumawak ang mga estatehiyang magagamit sa pagtuturo ng wikang Tsino at upang maintindihan pa lalo ng mga estudyante. Ang pananaliksik na ito ay inaasahan ding makakatulong sa mga guro at estudyante ng wikang Ingles at Filipino dahil ang mga estratehiyang mababanggit ay maaaring magamit din sa pagtuturo at pag-aaral ng dalawang wikang nabanggit. Ito rin ay inaasahang magamit ng mga estudyanteng nag-aaral upang maging guro na nagme-major sa Teaching Chinese as a Second Language.

F. Konseptwal na Balangkas

 

                Ang isang estudyanteng nag-aaral ng wika ay maaaring may iba’t ibang paraan ng pag-aaral depende sa lengguwaheng pinag-aaralan. Ang estratehiyang ginagamit sa pag-aaral sa Ingles at Filipino ay maaaring maiba sa estratehiyang gagamitin sa pag-aaral ng wikang Tsino. May pagkakataon ding magamit ang mga estratehiyang ginagamit sa pag-aaral ng Ingles at Filipino sa pag-aaral ng wikang Tsino.
                Bago simulan ang pag-aaral ng isang wika dapat malaman kung ang isang estudyante ba ay may pangunahing kaalaman na sa wikang pag-aaralan niya at sa pinagmulan nito, wikang Tsino man ito, Ingles o Filipino. Malaking papel ang gagampanan nito sa mga pag-iisip ng angkop na estratehiya upang mapadali ang pag-aaral na gagawin.
                Sa mismong pag-aaral ng lengguwahe, maraming salik ang maaaring makaapekto sa pagkatuto ng estudyante. Maaaring ang salik na ito ay sa sarili ng estudyante at maaari ring eksternal.
                Matapos ang pag-aaral, maaaring masuri kung natutunan ba ng isang estudyante ang pinag-aralan gamit ang pagsusulit na kadalasang ginagawa ng mga guro sa kanilang mga estudyante at ang aktuwal na paggamit ng wika sa tahanan o paaralan. Ang paggamit ng wika labas sa klase ay mabisang paraan upang maipagpatuloy ang pagkahasa sa mga natutuhan at madagdagan pa ang kaalaman ukol sa wikang ginagamit. Ang paghasa ng wika ay hindi lamang dapat gawin sa bagong wikang natutunan kundi maging sa mga wikang alam na.

G. Metodolohiya

Ang pananaliksik na ito ay ginawa sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga impormasyon mula sa mga libro, diyaryo, magasin at internet; pakikipag panayam at pagsasagawa ng sarbey.
Ang paksang saklaw ng impormasyong kinolekta ay pag-aaral at teorya sa multi-lingual; kultura ng Tsina; pag-aaral ng wikang Tsino, Ingles at Filipino (pasulat man o pasalita); at pagkukumpara sa wikang Tsino, Ingles at Flipino.
Ang mga kinapanayam ay 7 guro sa wikang Tsino mula sa mga high school. Ang mga tanong sa panayam ay sumentro sa kanilang opiniyon ukol sa pag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng wikang Ingles at Filipino at ano-ano ang kanilang mga karanasan sa pagtuturo ng wikang Tsino sa mga estudyanteng walang paunang kaalaman sa wikang ito na nag-aaral din ng wikang Ingles at Filipino. Ang mga naging tanong sa mga panayam ay maaaring nadagdagan depende sa naging tugon ng kinapanayam na guro.
 
Ang isinagawang sarbey ay personal na ipinasagot sa mga respondent. Ang respondent na tinutukoy ay mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa high school na nag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng wikang Ingles at Filipino. 95 estudyante ang napasagot ng sarbey mula sa iba’t ibang paaralan. Ang mga tanong sa sarbey ay ukol sa kanilang karanasan sa pag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng wikang Ingles at Filipino. Kabilang sa mga tanong ay oras ng pag-aaral at gaano na katagal nag-aaral ng tatlong wikang nabanggit, pag-ra-ranggo sa tatlong wikang ito, saan nahihirapan o nadadalian sa pag-aaral at mga estratehiyang ginagamit sa pag-aaral.
 
Ang panayam sa mga guro ay ginamitan ng rekording para malinaw mapakinggan o ma-i-detalye ang bawat impormasyon na nakakalap.
Ang mga tanong sa panayam at sarbey ay pinagsama-samang tanong na binuo ng bawat mananaliksik na inaasahang makakasagot sa mga tanong sa paksang napiling saliksikin.

H. Saklaw/ Delimitasyon

                Upang makakalap ng impormasyon, nagpunta ang mga mananaliksik sa National Library, Malabon Library at Philippine Cultural College Library.  Kakaunti lamang ang mga librong may kinalaman sa wikang Tsino kaya’t nagsilbi itong pagsubok. Para mapunan ang kakulangan sa mga batayan, kinalap ng mga mananaliksik ang lahat ng makikitang batayan para sa wikang Tsino at naghanap din ng iba pang maaaring makatulong para sa pananaliksik na ginawa.
                Saklaw din ng pananaliksik ang makapagsagawa ng panayam sa mga guro ng wikang Tsino at pagsasagawa ng sarbey sa mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng wikang Ingles at Filipino.
Sa umpisa ng pananaliksik, tinayang 10 guro ang makakapanayam at 75 estudyante ang mapapasagot ng sarbey. Ang bilang na ito ay napili upang magkaroon ng maraming baryasyon ng sagot na maaaring makatulong upang masagot ang mga katanungang pumapaloob sa paksang napili para sa pananaliksik na ito. Ngunit dahil sa kakulangan ng tugon mula sa ilang paaralan, 7 guro lamang ang nakapanayam. Sa kabilang banda, may 95 estudyante naman ang napasagot ng sarbey. Kabilang sa mga paaralang tumugon ay mula sa parehong pribado at pampublikong paaralan sa high school. Ang mga pribadong paaralang Tsino sa high school ay kinabibilangan ng Quezon City Christian Academy sa Quezon City, Philippine Malabon Cultural Institute sa Malabon at Westminister sa Navotas. Ang mga pampublikong paaralan naman sa high school na nagtuturo ng wikang Tsino ay ang Dr. Josefa Jara Martinez sa Quezon City, Jose Abad Santos High School sa Maynila at Malabon National High School sa Malabon. Kung mapapansin, ang mga paaralang nabanggit ay nasa Metro Manila lamang. Napiling ganapin ang panayam at sarbey sa Metro Manila dahil maraming paaralang Tsino sa lugar na ito at dito rin matatagpuan ang ilang kilalang paaralang matagal nang nagtuturo ng wikang Tsino. Bukod pa rito, saklaw ng lugar ng Metro Manila ang tirahan ng mga mananaliksik at mas madaling nakapagsagawa ng panayam at sarbey ang mga mananaliksik dahil malapit lang din ang pinagsagawaan ng mga ito. Kabilang sa mga gurong nakapanayam mula sa mga paaralang ito ay sina: Ms. Rosalie Cheng ng Quezon City Christian Academy, Mrs. Aurora Lugtu ng Dr. Josefa Jara Martinez High School, Ms. Mary Ann Cabarles at Mr. Salonga ng Jose Abad Santos High School, Mr. Louie Ng ng Westminister High School, Ms. Mirasol Cabadson ng Malabon National High School, Ms. Lilian Tan ng Philippine Malabon Cultural Institue.
Ang mga estudyante naman na napasagot sa sarbey ay sina:

Aceron, Mary Joy M.
Dion, Mirasol L.
Nillasca, Bernadeth
Azaya, Mary Dere D.
Drama, Christian Mard C.
Noval, Rico M.
Azucena, Alyza Lei S.
Escanilla, Jeronel
Ong, Sean
Baslot, John Mark S.
Esrella, Joyce Ann Rossette A.
Ong, Vidanne
Bautista, John Jasper P.
Felizarte, Edmelin Grace A.
Pantino, Ruby-Ann A.
Bernardo, Elma
Ferido, Angelyna
Paragsa, Arlyn
Bolintiam, Romel Ray B.
Flores, Jericho F.
Paul
Bondocoy, Shaine F.
Gan, Leigh Ann Steffanie
Paz, Roxanne M.
Buat, Hanouf C.
Garcia, Regina
Pioquinlo, Luzelle Sharra Angeline P.
Bustillo, Lovely Camille
Gitomo, Kristine Angelica R.
Rafonan, Aldrin D.
Cairo, Cairence Marie R.
Go, Row
Ramos, Kazuyoshi
Campillo, Russel
Guevana, Honeyhen
Reatinaza, david Matthew P.
Cantiberos, Igine Larida
Hernandez, Julianne L.
Requal, Lyka Drew
Cantos, Reynan C.
Hu, Shanon
Salando, Jorland M.
Caranglan, Rhine
J.
Samson, Mary Kate Joy C.
Cezar, Kimberly Ann I.
Jardeleza, Emmanuel S.
Santiago, Owen
Chan, Tommy
Ke, Stephanie Ann
Sarmiento, Angelo Aquirre
Ching, Anne Dannielle
Kho, Kate Ashley O.
Shu, Jeferson Daniel L.
Chua, Rainielle Jay Dy
Lapan, Tvie Patrice S.
Soriano, Kurt Thomas E.
Chua, Ryan Jeremy F.
Lee, Francene
Soro, Ayessa
Co, Kyla Faye Zephia V.
Leosala, Kaye
Sy, Raizel Charlotte
Co, Reiko Bridget F.
Lim, Marielle Denise
Tabian, Ragen
Codiz, Antonio Jr. T.
Lugtu, Sherlyn Faith F.
Tang, Joie
Colegago, Maria Ana Avegail
Lumandog, John Cristopher C.
Teo, Stephen
Collantes, Kyla M.
Macalalad, Samantha S.
Tiongson, David D.
Crisostomo, Mark Mawie B.
Mangalindan, Christian Gio
Tungpalan, Lovely R.
Cruz, John Paul G.
Mergal, Erickan M.
Uy, Lindsay O.
Cubillas, John Cedrix L.
Morales, Vince Anthony A.
Yap, Jan Kenneth E.
Dela Cruz, Ericka E.
Murillo, Mariane Joy M.
Yo, Ghislaine
Delifa, Angelique C.
Nadayao, Lance Albert B.
Zapata, Keithlyn
Devera, Monica M.
Naron, Raymond L.

Diaz, Jolieson
Nepomuceno, Sophia Marie D.


Ang panayam sa mga guro ay ukol sa kanilang karanasan sa pagtuturo ng mga estudyanteng walang paunang kaalaman sa wikang Tsino. Samantalang ang sarbey naman sa mga estudyante ay ukol sa kanilang karanasan sa pag-aaral ng wikang Filipino, Tsino at Ingles. Ginanap ang panayam sa mga paaralan sa Metro Manila kung saan itinuturo ang wikang Tsino at sa mga paaralan na may Special Foreign Languange(SFL). Ilang paaralang kabilang sa napiling pagsagawaan ng pananaliksk ay mga paaralang may SFL na kurso sapagkat nais malaman ng mga mananaliksik kung may ibang estratehiya bang ginagamit ang mga guro sa kursong ito kumpara sa mga guro ng ilang paaralang Tsino. Ang panayam ay isasagawa sa oras na sila’y bakante at maaaring maglaan ng oras para sagutin ang mga katanungan. Nag-ambagan ang mga mananaliksik para sa nagastos na pamasahe, pagkain at iba pa.

I.  Daloy ng Pag-aaral

            Ang pag-aaral na ito ay nahahati sa pitong kabanata.
Ang unang kabanata ay nagbibigay ng impormasyon ukol sa wikang Tsino. Tatalakayin dito nang pahapyaw ang kasaysayan ng wika sa Pilipinas at ilang kasanayan na pinag-aaralan upang matutunan ang wikang Tsino.
Ang ikalawang kabanata ay tatalakay sa pagkukumpara ng wikang Tsino sa wikang Ingles at Filipino. Ipapakita rito ang pagkakapareho at pagkakaiba sa isa’t isa ng tatlong wikang ito.
Ang ikatlong kabanata ay kakapalooban ng teorya tungkol sa multi-lingual at kung anong aspeto nito ang epektibong gamitin sa pag-aaral ng wikang Tsino, Ingles at Filipino.
Ang ikaapat na kabanata ay maglalaman ng mga resultang nakalap mula sa sarbey at panayam sa mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Tsino kasabay ang Ingles at Filipino.
Ang ikalimang kabanata ang maglalaman ng resulta mula sa panayam sa mga guro. Mababasa rito ang  mga payong ibinigay nila, mga pananaw ukol sa paksa at mga rekomendasyon nila.
Ang ikaanim na kabanata ay magsasaad ng mga interpretasyon sa mga nakalap na datos mula sa mga panayam at sarbey. Ito ay buod ng mga impormasyong nakalap at pagsusuri ng mga ito upang makapagbigay ng mga estratehiyang magagamit ng mga guro at estudyante para sa pagtuturo o pag-aaral ng wikang Tsino.
Ang ikapitong kabanata naman ay magsisilbing bahagi kung saan ipapahayag ang mga kongklusyon ng pananaliksik na ito at rekomendasyon para sa mga mambabasa.

II. KATAWAN

i. Ang Wikang Tsino

Batay sa librong Culture Shock: China, ang wikang Tsino ay binubuo ng maraming diyalekto. Mayroong pitong pangunahing grupo sa wikang ito: ang Mandarin, Wu, Yue, Xiang, Min, Hakka at Gan. Ang bawat grupong ito ay binubuo pa ng ibang maliliit na grupo. Sa pitong grupong ito, ang pinakalaganap at gamit na wika ay ang Mandarin. Ito ay sa kadahilanang ang karamihan sa populasyon ng Tsina ay binubuo ng grupo ng Han na siya naman gumagamit ng Mandarin. Ayon sa ilang pag-aaral, ang Mandarin ay ang pinakagamit na wika sa buong mundo.
Ang Mandarin ay kabilang sa anim na opisyal na wika sa United Nations sa ilalim ng pangalang ‘Chinese’ at kilala rin sa tawag na 普通 (Pǔtōnghuà) o ‘common language’ sa Mainland China. Ang dayalektong ito ay tinalagang opisyal na wikang ginagamit bilang ‘mode of instructions’ sa Tsina at ito rin ang wikang itinuturo sa mga paaralan sa Tsina at sa ibang paaralang nasa labas ng Tsina, tulad ng Pilipinas, na nagtuturo rin ng wikang Tsino.

Ang Pilipinas at Wikang Tsino

Paano ba nagsimula ang paglaganap ng wikang Tsino sa Pilipinas? Maaaring pamilyar ang dahilan kung bakit laganap ang wikang Ingles sa bansa pero ang paglaganap ng wikang Tsino ay hindi gaanong alam ng mga Pilipino.
Isinaad sa librong The Chinese-Cantonese family in Manila: a study in culture and education, ang pag-aaral ng wikang Tsino ay mayroon ng higit na 75 taong nagsimula sa Pilipinas. Mula sa panahong itinayo ang mga paaralang Tsino sa bansa, marami nang pagbabagong naganap at mga batas na ipinasa para sa mga kurikulum ng mga paaralang ito. Ang mga paaralang Tsino ay nagsimula na hiwalay ang pamamalakad sa paaralang Pilipino pero dahil sa mga pangyayaring naganap, nabago mula sa kurikulum na purong Tsino ang mga asignaturang itinuturo, sa kurikulum na hati ang  oras para sa mga asignaturang Filipino, Ingles at Tsino. Ang mga paaralang Tsino ay na-Filipinize at inadapt na ang kurikulum ng Pilipinas. Karamihan sa mga paaralang nagtuturo ng wikang Tsino ay mga high school lamang at ang kolehiyo ay kakaunti pa lamang.
Sa kasalukuyan, ang tinatayang oras ng pag-aaral ng wikang Tsino sa mga high school ay nasa 2 o 3 oras lamang araw-araw, ito ay maaaring nasa umaga o hapon na iskedyul. Ang mga asignaturang itinuturo ay maaaring kinabibilangan ng pag-aaral ng wikang Tsino (pagbabasa, pagsasalita, pagsulat ng mga komposisyon at mga karakter), Chinese calligraphy, matematika, at computer.
Dahil sa umuunlad na ekonomiya ng Tsina, nagiging laganap na rin sa ibang bansa ang pag-aaral ng wikang Tsino katulad ng wikang Ingles sa kasalukuyan. Maraming programa na ang ipinapatupad ng Tsina upang mapalaganap at mapadali ang pag-aaral ng wikang Tsino.

ii. Wikang Filipino, Ingles at Tsino

Maaaring para sa mga Pilipino, mahirap intindihin at mukhang ‘alien’ na wika ang wikang Tsino sa unang tingin. Taliwas sa nakasanayang mga alpabeto sa wikang Ingles at Filipino, ang wikang Tsino ay binubuo ng mga karakter. Pareho ang sitwasyong ito sa ilang bansa na ang wika ay gumagamit ng alpabeto. Sa kadahilanang ito, nakaimbento ng sistema ng pabasa ng mga karakter sa Tsino ang ilang banyaga.
Ang paraan ng pagbasang naimbento, batay sa Culture Shock: China, ay tinatawag na ‘Romanisation systems’ kung saan gumagamit ng mga alpabetong Ingles upang maisulat ang mga tunog ng wikang Tsino.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang Romanisation system ang ginagamit ng nakararami, ito ay ang Wade-Giles system at Hanyu Pinyin system (Pīnyīn’). Sa Pilipinas, ang ginagamit na sistema sa pagtuturo ng mga tunog sa wikang Tsino ay ang Hanyu Pinyin system na binubuo ng 21 na ‘initial’ o 声母 (shēngmǔ) – b, p, m, f, d, t, n, l, g, k, h, j, q, x, zh, ch, sh, r, z, c, s; at 6 na ‘final’ o 韵母 (yùnmǔ) – a, o, e, i, u at ü. Ginagamit din sa sistemang ito ang letrang y at w bilang pamalit kapag ang mga tunog sa simula ng mga salita ay tunog i at u. Ang pagbuo ng pinyin ng mga karakter sa wikang Tsino ay kinabibilangan ng kombinasyon ng isang initial at kombinasyon isa o dalawang final.
Kahit na ang sistemang ito ay pamilyar sa atin dahil sa alpabeto ang gamit, marami pa ring nahihirapan banggitin ang mga ito sa kadahilanan ang pagbigkas ng mga ito ay iba sa pagbigkas na nakasanayan natin. Tulad na lamang ng letrang ‘s’ na maaaring bigkasin na ‘ez’ sa Ingles o Filipino pero binibigkas ito tulad ng ‘s’ sa salitang sun kapag binasa sa pinyin system.
Bukod sa pagkatuto ng pinyin, isa pa sa mga itinuturo kasabay nito ay ang mga tono. Mayroong limang tono sa wikang Tsino: 1 o level ( – ), 2 o rising ( / ), 3 o dipping ( V ), 4 o falling ( \ ) at neutral (   ). Bawat salita sa wikang Tsino ay may tono na nakatutulong sa mga kausap natin na maintindihan kung ano nga ba ang ating sinasabi. Kailangan ang tono dahil ang ilang tunog sa wikang Tsino ay may magkakatulad na pinyin at naiiba lamang sa tono.
Kadalasang inuunang ituro ang mga pinyin at tono sa mga estudyanteng bago pa lamang sa wikang Tsino bago ipakilala ang mga karakter sa wikang ito. Madalas na nagpapakita ng tsart ang mga guro at sinusubukang hasain ang pagbigkas ng mga estudyante sa pagbasa nito. Nagbibigay rin sila ng iba’t ibang kombinasyon ng initial, final at mga tono upang lalo pang maging bihasa ang mga estudyante sa pagbigkas.
Hindi tulad ng ibang wika, tulad ng Ingles at Filipino, ang wikang Tsino ay kakaunti lamang ang hiram na salita sa ibang wika. Kadalasan sa mga salitang maaaring pamilyar sa ating pandinig sa wikang Tsino ay mga pagkain o di naman kaya ay mga lugar lamang. Ang ilang tawag ng mga Tsino sa mga lugar sa labas ng Tsina  ay halos katunog lamang din ng pangalan na alam natin kaya’t minsan ay madali lang malaman kung anong mga lugar ang mga ito.
Matapos matuto ng pinyin ay saka na itinuturo ang mga karakter. Sinasabing ang ‘written Chinese’ ang may pinakamatagal na wikang patuloy pa ring ginagamit sa kasalukuyan. Dahil dito, hindi na nakakapagtakang maraming karakter ang wikang Tsino at halos umaabot ng libo ang mga ito. Nagsimula bilang mga pictographs ang wikang Tsino na sa pagtagal ng panahon ay unti-unting naging mga karakter na nakikita natin ngayon. Mayroon pa ring mga karakter sa kasalukuyan na mukha pa rin pictograph kaya’t madali lamang na malaman kung ano ang tinutukoy rito. Pero dahil nga sa pagbabago ng panahon, kakaunti na lamang ang mga ito kumpara sa dami ng karakter ngayon. Bukod sa pagtingin sa mga karakter bilang larawan, ang ilang karakter naman ay malalaman ang kahulugan base sa kung papaano ito binibigkas.
Sa isang diksiyunaryong Tsino, mapapansin na mayroong iba’t ibang paraan kung papaano makapaghanap ng isang salitang hindi alam. Maaaring mahanap ang isang salita gamit ang radical nito na maaaring ihalinulad sa root word sa Ingles at salitang-ugat naman sa Filipino. Isa pang paraan ng paghahanap ng salita ay ang bilang ng strokes o pagsulat ng karakter. Mayroon ring mga diksiyunaryong makakapaghanap ng salita batay naman sa pagbasa at tono ng karakter. Ibang iba ito sa mga diksiyunaryong Ingles at Filipino na ang mga salita ay sunod-sunod base sa simulang alpabeto ng salita.
Hindi lamang sapat na alam natin ang bawat karakter ng wikang Tsino dahil katulad ng wikang Ingles at Filipino, ang mga salita ay madalas na nagbabago ang kahulugan kapag ikinakabit sa iba pang salita o kung sa kalagayan naman ng wikang Tsino, mga karakter. Dahil sa mga kombinasyon ng mga karakter na ito, mas naging kumplikado ang tingin ng ilan sa wikang Tsino. Sinasabing kahit na maraming salita na ang pinasimple, ay marami pa rin ang mga karakter sa wikang Tsino. Pero kahit na ganoon, ang pagkatuto ng mga karakter na ito ay hindi pa rin binibitawan ng mga Tsino dahil sa sentimental na halaga nito sa kanilang bansa. Bukod pa rito, dahil na rin sa ang wikang ito ang ginagamit noon pa man ay mayroon pa ring koneksyon ang mga kasalukuyang Tsino sa mga ninuno nila. Mababasa pa rin nila at maiintindihan ang ilang kasulatan noong unang panahon sa Tsina. Naiiba naman ito sa kalagayan ng ilang lugar na gumagamit ng Ingles at Filipino. Kahit sabihing pareho pa rin ang paraan ng pagsulat ng mga salita, may mga pagkakataong hindi na maintindihan ang kahulugan ng buong kasulatan.
Isa pang bagay na pinagkaiba ng Ingles, Filipino at Tsino ay ang pagbabanggit at pagsulat ng pangalan. Sa Ingles at Filipino, nauuna ang pangalan bago ang apelyido. Kabaligtaran ito sa Tsino dahil nauuna ang apelyido at pagkatapos ay ang pangalan. Ang lohikang ito ay ginagamit din sa pagbanggit at pagsulat ng oras, petsa at direction. Nauuna lagi ang pinakamalaking bagay tulad na lamang ng bansa sa address at ang taon sa pagsulat ng petsa. Sinasabing ang ayos na ito ay nagsisimula sa pinakamalaking bagay hanggang sa pinakamaliit.

Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE)

Ang MTB-MLE ay kasalukuyang ipinapatupad sa Pilipinas bilang parte ng proyektong K-12. Batay sa artikulong Never again: A nation of “5th graders, ito ay isang patakaran para sa pagsusulong ng pag-aaral ng ibang wika. Nangangahulugan itong paggamit ng lokal na wika o unang wika (L1) ng mag-aaral bilang ‘mode of instructions’ (MOI) sa klase. Matapos makabuo ng maayos na pundasyon sa unang wikang ito ay tiyaka ipapakilala ang bagong wika o ang pangalawang wika (L2) sa mga mag-aaral. Sinasabing ang pagkahasa sa unang wika ay makakatulong para sa mga estudyante na mas mapahayag nang malaya ang kanilang sarili. Dahil dito, mas mapapadali ng mga estudyante ang pagbuo ng mga ideya tungkol sa mga bagay na pinag-aaralan nila at mas magiging aktibo sila sa klase. Mas mapapadali ring malaman ng mga guro kung ang isang estudyante ba ay natuto o hindi at kung saan pa dapat pagtuunan ng pansin.
Sa kasalukuyan, batay na rin sa mga napuntahang paaralan para sa panayam at sarbey, mapapansin na ganito ang paraan ng pag-aaral ng wikang Tsino sa ilang paaralang nagbibigay ng mga special na kursong ‘Special Foreign Language Program’. Ang mga klaseng ito ay ibinibigay kadalasan sa high school kung kailan tinatayang medyo bihasa na ang isang estudyante sa wikang Filipino at wikang Ingles. Mapapansin ding kadalasan sa mga paaralang ito ay ginagamit ang salitang Filipino o Ingles bilang MOI. Ang ganitong klaseng pagtuturo ay hindi lamang limitado sa mga klase ng SPFL dahil may maliit na porsyento ng mga pribadong paaralang Tsino ang gumagamit din ng wikang Filipino o Ingles bilang MOI.
Dahil sa nag-uumpisa pa lamang ang proyektong ito, marami pang problemang nakikita tulad na lamang ng kakulangan sa materyales at mga libro para sa ganitong klaseng pag-aaral, pagdududa at pag-aalangan kung makakatulong ba talaga ang ganitong proyekto para umunlad ang pag-aaral ng mga bata at marami pang iba. Sa kabila ng mga problemang ito, masasabing ang proyektong ito ay isang hakbang para sa pag-unlad ng pag-aaral sa bansa. Kapag nasolusyunan ang mga problemang ito, umaasa ang mga nagsusulong at sumusuporta ng proyektong ito na maitaas ang antas ng kakayahan ng mga Pilipino na makapagbasa at makapagsulat hindi lamang ng kanilang lokal na wika, kundi maging ng Filipino, Ingles at iba pang wikang pinag-aaralan tulad ng wikang Tsino.

iii. Teorya ng ‘Multiple Intelligence’ ni Howard Gardner

Maraming teorya ang nagbibigay impormasyon ukol sa paraan at mga dahilan kung papaano at bakit natututo ang isang estudyante at isa sa pinakasikat na teorya ay ang Teorya ng Multiple Intelligence ni Howard Gardner.
Isinaad sa artikulong Ang Teorya at Praktikang Maramihang Intelihensya na mayroong siyam (9) na intelligence na binanggit si Gardner. Ito ay ang:
·         Verbal-Linguistic – maayos na pagdevelop ng mga kasanayang verbal at pagiging sensitibo sa mga tunog, kahulugan at ritmo ng mga salita
·         Mathematical-Logical – kakayahang mag-isip nang konseptuwal at abstrakto, at may kapasidad na maunawaan ang mga padrong lojikal at numerikal
·         Visual-Spatial – kapasidad na mag-isip sa pamamagitan ng imahe at larawan, ang makabuo ng larawan sa paraang tiyak at abstrakto
·         Bodily-Kinesthetic – kakayahang makontrol ang mga kilos ng katawan at sanay na hawakan ang iba’t ibang bagay
·         Musical – kakayahang lumikha at mapahalagahan ang ritmo, tono at taginting; paggamit ng musika
·         Interpersonal – kapasidad na matiyak at tumugon nang angkop sa mga asal, motibasyon at pagnanasa ng iba (social encounter)
·         Intrapersonal – kapasidad na maging mulat sa sarili at naaayon sa mga panloob na damdamin, valyu, paniniwala at proseso ng pag-iisip (self-reflection)
·         Naturalist – kakayahang magamit ang anumang likas na yaman ang nakapaligid
·         Existential – may pandama at kapasidad na matalakay ang malalalim na tanong tungkol sa buhay
Ayon sa teoryang ito, ang lahat ng tao ay may siyam na intelihensyang ito. Naiiba lamang sa dami o antas ang mayroon ang isang tao depende sa kanilang kapaligiran o edad kung saan nahahasa ang mga katalinuhang ito. Maaaring gumamit ng iba’t ibang estratehiya ng pagtuturo upang malaman kung ano nga ba ang intelihensyang ginagamit ng isang estudyante.
Sa pag-aaral ng wika, Filipino man ito, Ingles o Tsino, o iba pa, malaki ang maitutuong kung alam ng estudyante ang intelligence na kanyang ginagamit sa pag-aaral. Mapapadali ang paghahanap ng mga estratehiyang angkop para sa kanyang sarili ang isang estudyante kung alam niya ito. Magsisilbi itong gabay sa mga estratehiyang mabisang gamitin ng estudyante. Dagdag pa rito, makakabawas ng stress sa isang estudyante kung ang pag-aaral niya ay iaangkop niya sa intelligence na pinakahasa siya. Dahil dito, mas madali ang pagkatuto ng estudyante dahil angkop sa kanya ang ginagawa niyang estratehiya ng pag-aaral.
Minsan ang isang estudyante ay kakakitaan ng mga potensyal kung saang intelligence nga ba sila pinakabihasa. Halimbawa na lamang ay iyong mga taong madaling makakabisado ng mga lyrics ng kanta batay sa tono nito at rhythm. Ang mga taong ito ay may malaking potensyal na kabilang sa mga taong hasa ang musical intelligence. Maaaring iangkop ng taong ito ang kanyang mga estratehiya sa pag-aaral base sa impormasyong ito. Maaari siyang makinig sa mga musikang ginagamit ang wikang kanyang pnag-aaralan. Maaari siyang gumawa ng ritmo kapag sinusubukang basahin ang wikang pinag-aaralan upang madali itong matandaan.
Marami pang ibang estratehiya ang maaaring subukan. Sa panahon ngayon ng internet, marami na tayong makikitang test sa internet upang masubukan kung anong intelligence nga ba ang pinakahasa sa atin.

iv. Datos mula sa Sarbey

Sa naisagawang sarbey sa iba’t ibang paaralang nagtuturo ng wikang Tsino, Ingles at Filipino nakalakip roon ang ilang suliranin katulad ng paghahanap ng mga paaralan na mayroong itinuturong wikang Tsino at maging ang pag proseso ng liham na ipapadala sa mga paaralang ito. May ilang paaralan na kinakailangan pang idulog sa Division Office upang mabigyan ng pahintulot.  Naisaayos naman nang mabuti kaya’t hindi na umabot doon, naisagawa iyon sa tulong ng mga guro at mag-aaral.  Sa aming pagpapasagot ng sarbey sa isang pribadong paaralan, nakatagpo kami ng isang Koreanong estudyante na nag-aaral din ng wikang Tsino kung saan medyo nahirapan ang mga mananaliksik na i-translate sa Ingles ang mga katanungan sa sarbey dahil sa hindi niya maintindihan ang mga tanong sa wikang Filipino.
Sa ginawang sarbey ay maraming impormasyon ang nakalap patungkol sa mga estudyanteng may edad 13-17 taong gulang na nag-aaral ng wikang Tsino kasabay ng pag-aaral ng wikang Ingles at Filipino. Marami sa kanila ay walang lahing Tsino lalo na iyong mga nag-aaral sa pampublikong paaralan. Kadalasan naman sa mga estudyanteng may lahing Tsino ay mula sa mga pribadong paaralan. Sa 95 bilang ng mga estudyanteng nakapanayam, 29 na estudyante ang mula sa pribadong paaralan samantalang 66 na estudyante naman ang mula sa pampublikong paaralan.  Napag-alaman na halos lahat ng estudyanteng nakapanayam na nasa pribadong paaralan ay 10 taon nang nag-aaral ng wikang Tsino. Samantalang mas marami naman ang bilang ng mga estudyanteng nakapanayam sa pampublikong paaralan na halos 1 taon pa lamang na nag-aaral ng wikang Tsino.
Sa tatlong pinag-aaralang wika – Filipino, Ingles at Tsino, lumabas sa resulta ng sarbey na ang mga estudyante sa pribado maging sa pampublikong paaralan ay parehong nahihirapan sa pagsasalita ng wikang Tsino. Sa kadahilanang ito’y may sinusunod na mga tono na kung magkamali sa pagbigkas ay maiiba ang kahulugan ng salita at sila din naman ay nabubulol sa pagbibigkas.
May pagkakaiba naman ang pribado at pampublikong paaralan sa pananaw kung ano ang mas madali pag-aralang wika. Lumabas sa resulta ng sarbey na sa 29 na estudyante sa pribadong paaralan, 20 sa kanila ang sumagot na wikang Ingles ang pinakamadaling pag-aralan, at 9 naman ang nagsabing wikang Filipino. Ayon sa kanilang mga sagot sa sarbey, ang wikang Ingles ay ‘Universal Language’ at malaki ang maitutulong nito sa kanila kung sila man ay pupunta sa iba pang mga bansa. 51 sa mga estudyante sa pambublikong paaralan ang nagsabing ang wikang Filipino ang wikang pinakamadaling pag-aralan. Pumapangalawa naman ang wikang Ingles kung saan 47 na estudyante ang nagsabing pangalawa ito sa wikang hindi sila nadadalian at hindi rin naman nahihirapang pag-aralan. Pangatlo, kung saan 55 na estudyante sa pampublikong paaralan ang nagsabing ang wikang Tsino ang pinakamahirap na wikang pinag-aaralan nila sa ngayon.
Halos lahat naman ng mga estudyante sa pampublikong paaralan ay naglalaan lamang ng isang oras kada araw mula Lunes hanggang Biyernes sa pag-aaral ng wikang Tsino sa loob ng paaralan. At maraming oras naman sa wikang Filipino sapagkat ito ang wikang ginagamit nila sa pang-araw-araw.
Maraming mga estudyante sa pribado at pampublikong paaralan ang sumagot na hindi naging madali ang pag-aadjust nila sa pag-aaral ng wikang Tsino. Para sa nasa mga pribadong paaralan na nagtuturo ng wikang Tsino, kailangan ng mga estudyante na maging bihasa sa wikang Tsino lalo na’t ang wikang Tsino ay kabilang sa kanilang kurikulum. Samantala, sa pampublikong paaralan naman, ang pag-aaral nila ng wikang Tsino ay nakadepende sa kanilang pangkat o seksiyon, kung saan seksyon 1 at 2 lang ang may pribilehiyong makakuha ng programang SPFL o Special Program Foreign Language. 38 na mga estudyante sa pampublikong paaralan ang nagsabing mahirap ang ginawang pag-aadjust sapagkat unang beses palang nilang na-encounter ang pag-aaral ng wikang Tsino at hindi ito ang nakasanayan nilang wika. Iba rin ang paraan ng pagsulat ng mga salita, may mga tono at kinakailangang malinaw ang bawat salita sa pagbabasa upang maiparating ang nais na sabihin. Dagdag pa dito, kaunting oras lamang ang kanilang naigugugol sa pag-aaral ng wikang Tsino.  


Kabilang sa mga itinanong sa sarbey ay mga estratehiyang ginagamit ng mga estudyante sa pag-aaral ng wikang Tsino. Makikita ang resulta ng mga sagot nila sa bar graph na nasa itaas.

v. Datos mula sa Panayam sa mga Guro

Nakapanayamam namin ang iba't ibang guro na nagtuturo ng wikang Tsino sa iba't ibang paaralan partikular sa high school. Maraming suliranin ang kinakaharap ang mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Tsino na siyang kadalasang nakikita at napapansin ng mga gurong aming nakapanayam. Tulad na lamang ng paghihirap ng mga estudyante na magsaulo ng mga salita lalong lalo na kung paano ito sulatin. Ayon kay Ms. Rosalie Cheng ng Quezon City Christian Academy, ang bawat salita sa wikang Tsino ay nagtataglay ng maraming kahulugan at kumplikadong strokes na siyang nagiging dahilan kung bakit nahaharap ang mga estudyante sa sitwasyon na kung saan nahihirapan silang matandaan ang ibig sabihin ng isang salita at kung papaano ito isulat. Ngunit naniniwala naman si Mr. Louie Ng ng Paaralang Sekondarya ng Westminister, na mas magiging epektibo mong mapapatandaan sa mga estudyante kung paano sulatin ang isang salita kung lalagyan mo ng istorya o kuwento ang mga ito na naaayon sa kahulugan nito. Ayon rin sa kanya mapapabilis mong mapapakabisado sa mga bata ang kahulugan ng isang salita kung araw-araw mo itong ipapaalala sa kanila.
Iba't iba ang mga pananaw ng mga gurong nakapanayam sa kung mayroon bang naging epekto sa pag-aaral ng wikang Tsino ang pagkatuto nila ng wikang Ingles at wikang Filipino bago ang wikang Tsino. Ayon kay Mrs. Aurora Lugtu ng Paaralang Sekondarya ng Dr. Josefa Jara Martinez, nakatulong ang kaalaman nila sa wikang Ingles at wikang Filipino sa pag-alam at pag-unawa ng mga kahulugan ng mga salitang Tsino. ‘Madali kasing ipaliwanag ang kahulugan ng isang salitang Tsino kung sa parehong lengguwahe marunong ang mga bata' wika niya. Ngunit negatibo naman ang naging tugon at pananaw rito ni Ms. Rosalie Cheng, ayon kasi sa kanya kapag nauna ang pag aaral ng wikang Ingles o wikang Filipino kaysa sa wikang Tsino, madalas nawawalan ng interes ang mga estudyanteng mag-aral ng wikang Tsino sapagkat kadalasan mas gusto nilang pag-aralan ang wikang Ingles at wikang Filipino dahil sa mas madali itong matutunan ng isang indibidwal. Kung pagkukumparahin ang wikang Tsino sa wikang Ingles at wikang Filipino, mas simple ang alpabeto nito, madaling intindihin, madaling basahin, madaling kabisaduhin at higit sa lahat madaling isulat; hindi katulad sa wikang Tsino na ang bawat salita ay mayroon pang maraming pakahulugan na siyang nagiging dahilan kung bakit nahihirapang matandaan ang mga salitang ito ng mga estudyante .
Hindi na rin inaksaya pa ang pagkakataon upang malaman kung anu-ano ang mga istratehiyang kanilang ginagamit sa pagtuturo ng wikang Tsino sa mga Pilipino o Tsino-Pilipino. Para kay Ms. Mary Ann Cabarles na halos limang taon ng nagtuturo ng wikang Tsino sa Paaralang Sekondarya ng Jose Abad Santos, ang pagkakaroon ng pagsusulit araw-araw ay ang ‘syang mabisang pamamaraan upang mabilis na matandaan ng mga estudyante ang kahulugan ng bawat salita. Wika naman ni Mrs. Lugtu "Mapapadali ang pagkatuto ng mga estudyante kung gagamit ng audio na maaaring ipakinig sa buong klase, nang sa gayon ay magkaroon sila ng ideya kung paano ang aktwal na pakikipag-usap gamit ang wikang Tsino". Para naman kay Ms. Rosalie Cheng ang kanyang istratehiya na mabisa sa pagtuturo ng wikang Tsino sa mga estudyanteng nagsisimula pa lamang mag-aral nito ay ang madalas o paulit-ulit na pagpapaalala sa mga estudyante ng mga salita alinsunod sa kung paano ito basahin, bigkasin at sulatin. Bunga ng kanyang istratehiyang ito ay madalas siyang nasasabihan ng kaniyang mga estudyante na parang sirang plaka. Ayon naman kay Mr. Louie Ng na halos tatlong taon ng nagtuturo ng wikang Tsino at Ms. Mirasol Cabadsan na tatlong taon na ring nagtuturo ng wikang Tsino, ang paggawa ng mga biswal na presentasyon ay labis na makakahikayat sa mga estudyante na maging sabik sa pag aaral ng wikang Tsino at sa pamamagitan nito, naniniwala silang tumataas ang kagustuhan ng mga estudyante na matuto ng wikang Tsino. Ayon naman kay Mr. Salonga na mula rin sa Paaralang Sekondarya ng Jose Abad Santos, mas magiging epektibo kung dahan dahan mong ituturo kung paano isulat, bigkasin at maipaunawa ang mga kahulugan ng isang salitang Tsino sa mga estudyante nang sa gayon ay mas lalo nilang ma-adopt ang mga ito.
                      
vi. Interpretasyon

Napag-alaman sa sarbey na isinagawa na iba’t iba ang pagkatuto ng mga estudyante batay sa baitang ng kanilang pag-aaral. Nalaman din na hindi ganoon kadali ang kanilang pag-aaral ng wikang Tsino mapa-pribado o pampublikong paaralan man. Hindi naging batayan ang taon ng kanilang pag-aaral sa wikang Tsino dahil kahit iyong mga may 10 taon o mahigit nang nag-aaral nito ay nahihirapan pa rin sa isa o dalawang kasanayan. Naging lamang ang mga nag-aaral ng 10 taon na sa mga 1 taon lamang dahil mas gamay na nila kung papaano ang istruktura ng wikang ito.
Napagtanto rin ng mga mananaliksik na hindi lamang ang mga estudyante ang may pag-a-adjust na ginagawa kung hindi pati ang mga guro. Ito ay dahil sa sila mismo ang nakakakita kung ano nga ba ang lagay ng pag-aaral ng wikang Tsino ng mga estudyante. Ibinabagay nila ang paraan ng pagtuturo nila sa kakayahan ng mga estudyante nila.
Malaking bagay para sa mga estudyante mula sa pampublikong paaralan ang pagkatuto nila ng wikang Ingles at Filipino sa pag-aaral nila ng wikang Tsino. Samantalang hindi naman ganoon kalaki ang naitutulong nito sa mga estudyante ng pribadong paaralan dahil kasabay nila itong pinag-aralan sa wikang Tsino noong bata pa sila. Mas madali para sa mga nasa pribadong paaralan ang pag-aaral ng wikang Ingles at wikang Filipino naman sa mga nasa pampubliko. Sa kaalamang ito, makikita na ang MOI na ginagamit ng dalawang uri ng paaralang ito ay magkaiba at ibinagay sa kung saan sanay ang ma estudyante. Mahalaga para sa pag-aaral ng wikang Tsino ang pagkatuto ng mga estudyante ng wikang Ingles at Filipino dahil nagagamit nila ito upang masalin ang mga salita.
Mula sa sarbey, maraming estratehiya ang naipahayag na maaaring makatulong sa pag-aaral ng wikang Tsino. Pinakanangunguna sa mga estratehiyang ito ang pagkabisa ng mga karakter. Marahil ay kitang-kita ang rason kung bakit ito nangunguna. Ito ay dahil sa taliwas sa nakasanayang alpabeto ang ginagamit sa pag-aaral ng wikang ito. Dahil dito, mayroong mga estratehiyang tugma lamang sa pag-aaral ng wikang Tsino at iba pang wikang may katulad na istruktura.
Ayon na rin sa mga sagot sa sarbey, madaling maipagpapatuloy ang pag-aaral ng wikang Tsino kung naituro ng masigasig ang basic ng wika kung saan ito ay nagsisilbing pundasyon ng pinag-aaralang wika. Mas mapapadali ang pag-alala at pag-unawa ng mga karakter sa pamamagitan ng paglalagay ng kwento sa bawat karakter na bumubuo sa isang salita gamit ang mga radicals. Dagdag pa dito, magiging madali ang pagkatuto o paglinang sa wikang pinag-aaralan kung magagamit ito ng mahusay.

vii. Kongklusyon

Sa pananaliksik na ginawa, maraming datos ang nakalap ukol sa mga estratehiya sa pag-aaral sa wikang Tsino mula sa mga estudyante at guro. Naipakita rin ang ilang aspeto ng wikang Tsino na maaaring magamit upang mas maintindihan ang kaligiran ng wikang Tsino at ang pinagkaiba nito sa wikang Ingles at Filipino. Hindi man ito ang nais mapatunayan ng pananaliksik, nakita rin sa pananaliksik ang pinagkaiba ng pag-aaral ng wikang Tsino, Ingles at Filipino sa iba’t ibang paaralan at mga perspektibo ng mga kinapanayam at pinasagot ng sarbey ukol sa ganitong ayos ng pag-aaral. Maraming oras ang iginugol at problemang nilampasan ang mga mananaliksik upang maisagawa ang pananaliksik na ito. Kinailangan ng sipag, tiyaga, katalinuhan, pasensya at kooperasyon mula sa bawat mananaliksik upang maisagawa ng maayos ang ginawang pananaliksik.
Napatunayan sa pananaliksik na ito na may malaking porsyento ang naitulong ng kaalaman sa wikang Ingles at Filipino pagdating sa pagsasalin ng mga salita upang maintindihan ang mga karakter. Nakakatulong rin ito sa malinaw na pagpapaliwanag ng istruktura sa pagbuo ng mga pangungusap sa wikang Tsino. Mabisang MOI ito para sa mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Tsino sa pampubliko at pribadong paaralan pero maliit na porsyento lamang ang naitutulong nito sa pagkabisa ng mga karakter at pagsulat nito. Nakakatuwang isipin na kahit nahihirapan ang karamihan sa pag-aaral ng wikang Tsino ay interesado pa rin silang matutunan ang ibang wikang tulad nito.

Rekomendasyon
·         Hinihikayat ang mga estudyante na malalaman ang intelligence na pinakabihasa siya. Mula rito, subukang iangkop ang paraan ng pag-aaral sa intelligence na mayroon.
·         Para sa mga gurong nagtuturo ng wikang Tsino, mahalagang magkaroon ng baryasyon sa pagtuturo. Kung hindi epektibo ang isa, sumubok ng isa pang estratehiya.
·         Nirerekomenda sa mga guro na gumamit ng mga visual aids kung saan makakatulong ito upang madaling maalala ang bawat kahulugan ng mga karakter.
·         Pinakamabisang paraan upang mahasa sa wikang Tsino ay ang paggamit nito sa pakikipag-usap. Dapat hindi mahiyang gamitin ang wikang Tsino maging sa labas ng paaralan.
·         Para sa mga nagtuturo ng wika, mahalagang matuunan ng pansin kung naipapaunawa ba nang maayos sa mga estudyante ang kaligiran ng wikang kanilang pinag-aaralan. Magandang sa simula pa lamang ng pag-aaral ay malinaw sa mga estudyante ang istruktura ng wika.
·         Iminumungkahi sa mga miyembro ng academe na isali sa kurikulum ang pag-aaral ng wikang Tsino, hindi lamang sa piling paaralan kung hindi sa lahat ng paaralan upang mapalawak pa ang kaalaman sa wikang ito. 
·         Hinihikayat na magsagawa pa ng ilang pananaliksik na may kinalaman sa wikang Tsino dahil katulad ng nabanggit, kakaunti lamang ang mga batayang nahanap ng mga mananaliksik ukol sa paksang ‘wikang Tsino’. Lumalaganap na ang wikang Tsino sa bansa pero tila kakaunti pa rin ang kaalaman tungkol sa wikang ito.


SANGGUNIAN:
Catungal, Randolph G.; Implication of MT-Based Multilingual Education Teaching to the English Proficiency Programs; The Modern Teacher (August 2015)
Cheong, Caroline Mar Wai Jong (1983) The Chinese-Cantonese Family in Manila; Sison's Printing Press, Inc.
Cunanan, Farah C. (2011) Modality in English, Chinese and Filipino
De-Gent, Shone (1993) Chinese education in the Philippines - a study in assimilation; Philippine Christian University, Manila
Eagan, Angie at Weiner, Rebecca (2007) Culture Shock! A Survival Guide to Customs and Etiquette China; Marshall Cavending Intenatioal
Nolasco, Ricardo Ma. Duran; Never again: A naton of '5th graders'; Philippine Daily Inquirer (August 23, 2015)


Mga mananaliksik:

Barona, Starlene Drew
Baluyot, Angelika Jane
Cosculla, Dianne Rose
Dalusung, Pearl Irish
Mabulac, Nova Villa
Padrilan, Irish
Talabong, Rose Ann

Philippine Cultural College
46 M. Cuenco St. Corner D. Tuazon St., Quezon City, Philippines